Heto na nga tayo
at dumating na sa punto
Kung saan, sa wakas,
Ay natuto ka nang magdesisyon
ng buong loob
Walang atrasan
Walang alinlangan
Walang balikan.
Sa wakas.
Hindi ako makapaniwala ng sabihin mong
“Sige na, ito ang kailangan ko.”
Isa, dalawa, tatlo
Sa pangatlong pagkakataon
ay pumayag na rin ako
Parang pitik ng lintik sa sakit
Bukas na sugat, kay hapdi
Ito pala yung sinasabi nilang
Kinaing buhay ng lupa
Humihinga, naghihingalo,
Hanggang sa mamatay
Ang oras, ang saya,
Ngunit hindi kalian man ang alala
Ang pag-ibig
Na kasing laya ng mga ulap
Paano nga ba’t naligaw?
Dinala ng hangin kung saan
Hindi na kayang maabot
Kahit sabihin pa mang
“Patawad, mahal.”
Akala ko bukas makalawa
Babalik ka
Hindi ba’t lagi ka naman nag-aalangan
Kung saan kakain,
kung kalian mo ako yayakapin
Bahala ka na
Kung kaya mong mabuhay ng mag-isa
Kaya kong mabuhay sa ating alaala
Bahala ka na
Kung may makita kang iba
Bahala ka na
Bahala ka na